MANILA, Philippines - Hindi tatakbo si Pangulong Benigno Aquino III sa mas mababang puwesto sa gobyerno sa 2016.
"Can I just clarify? I have no intentions of running for any position. Nasa newscaps ko kanina kasi 'yon—that I hinted I might run," paglilinaw ni PNoy ilang Pilipinong mamamahayag ngayong araw, Biyernes sa Tokyo, Japan kung saan siya nagkaroon ng state visit.
Aniya, ang ideya na tumakbo sa mas mababang posisyo ay nagmula sa ilan niyang tagasuporta matapos niyang tumanggi na palawigin ang kanyang termino.
"Nang naging malinaw po sa kanilang hindi ako sang-ayon na baguhin ang Saligang Batas para pahabain ang termino ko, ang naging bagong version po ng tanong ay ganito po: Baka raw po gusto kong tumakbo sa ibang puwesto," paliwanag niya.
"Ang totoo po yatang ibig nilang sabihin, 'Tumakbo ka sa ibang puwesto, dahil mabuti nang nandiyan ka para manguna ka ulit kung kakailanganin namin ang iyong tulong," pagdadagdag niya.
Sa huli, hinimok ni PNoy ang mga botante na maging maingat sa pagpili ng mga iluluklok nila sa termino eleksyon 2016.
Wika niya, "magyu-U-Turn ba tayo pabalik sa baluktot na daan? O itutuloy natin ang pag-arangkada sa Daang Matuwid? Nasa kamay ng mamamayan ang patutunguhan ng Pilipinas."